Nagtungo ako sa bayan ng Baliuag dala ng pagkabagot. Mula sa Meycauayan, sumakay ako ng jeepney pa-Tabang Exit sa Guiguinto. Ang daan na tinahak ay pa-NLEX (North Luzon Expressway). Pagdating sa Tabang, doon ako sumakay ng jeepney pa Baliuag. Inabot ako ng isa at kalahating oras upang makarating sa mismong kabayanan ng Baliuag. Unang beses akong makakaraing ng Baliuag kaya hindi ko alam kung ano ang aking aabutan doon. Pagkababa ng jeepney malapit sa palengke, nilakad ko ang daan patungong sentro ng Poblacion. Nang madatnan ang lugar na kung saan nandun ang simbahan, agad kong napansin ang isang plaza sa gitna ng sentro. Ang nasabing plaza ay tinatawag na Plaza Naning. Mula Plaza Naning, kitang-kita ang Parokya ng San Agustin. Ang nasabing parokya ay naitaguyod noong taong 1733 at isa sa mga tampok na atraksiyon sa bayan ng Baliuag.
Maraming establisimiyento o mga negosyo na nakapaligid sa plaza. Karamihan dito ay mga malilit na negosyo. Kapansin-pansin din ang mga manikurista na nililinis ang kuko ng kanilang mga kliyente sa gilid ng parokya. Isang monumento ni Rizal ang nakapagitna malapit sa tarangkahan ng simbahan. Ang monumentong yaon ni Rizal ay kakaiba sa aking nakita dahil may anghel na nakayakap sa kanya. Sa kabilang dako naman ay ang monumento ni Andres Bonifacio at sa kabilang gilid naman ang bantayog ni Mariano Ponce. Kapansin-pansin din ang isang clock tower na malapit sa palengke. Sa pagmasid-masid sa paligid ay hindi ko agad namalayan ang isang batang nag-aalok ng kanyang panindang cassava cake. Bumili ako sapagkat ako ay gutom na.
Nilibot muli ang paligid, matagal na panahon na rin mula noong ako ay namasyal-masyal at tila walang problemang iniisip o kahit anumang alalahanin. Yung tipo bang nasa isang tabi ka lang at pinagmamasdan ang mga pangyayari sa iyong paligid. Matapos ang ilang sandali, ako ay nagdesisyon ng umuwi. Sa aking pag-uwi, nakilala ko si Oliver, isang residente ng San Rafael. Siya ay patungo sa isa niyang tirahan sa kalapit ko na barangay. Kami ay nag-usap at naibahagi niya ang Angels Festival ng San Rafael. Nagpalitan kami ng numeron nang sa gayon, maaari ko siyang makontak kung sakali mang ako ay pupunta sa nasabing bayan sa darating na Septiyembre. Napakainit ng araw na ito ngunit ito ay sulit. Hindi ko man nasilayan ang mga puwedeng makita sa museo at aklatan, may dahilan naman palagi upang ako ay bumalik :) Ngayon, iniisip ko kung saan ang susunod kong pupuntahan yaman din laman na naumpisahan ko na ang blog na ito ukol sa paglalakbay at pagtuklas sa aking lalawigan. Paano ako nakapunta sa bayan ng Baliuag
Mula Meycauayan: -Via NLEX: Sumakay ng jeep pa-Malolos sa tollgate. Bumaba sa Tabang exit at sumakay ng jeep patungong Baliuag Loob na dumadaan sa ibabaw ng tulay ng Tabang. -Via McArthur hiway, Meycauayan: Sumakay ng jeep pa-Baliuag Loob. Mula Metro Manila: -Sumakay ng bus sa Baliwag Bus Terminal sa Cubao. Ang bus na ito ay magtutungo diretso sa terminal sa kabayanan ng Baliuag. Leave a Reply. |
kenyoTravelAng "kenyo" ay salitang hango sa Bulakenyo. Layunin ko na mas makilala ang aking lalawigan. Categories
All
Archives
September 2018
|