Ang buwan ng Enero ay espesyal sa bayan ng Bustos sapagkat dito ipinagdiriwang ang 'Minasa Festival'. Sa kapistahan na ito itinatampok ang natatanging produkto ng bayan, ang minasa. Sa kapistahan din ito ipinamamalas ng mga kabataan ang kanilang talento sa pag-indak na nagsisilbing sayaw-salaysay ng bayan.
Ika-20 ng Enero, nang magpunta sa bayan ng Bustos. Nais na masaksihan ang kapistahan. Maaga pa lamang, ay nagtungo na kami ng kaibigan kong litratista na si Mark sa nasabing bayan. Ang kapistahan ngayong taon ay natatangi sapagkat sa taong ito ay ipinagdiriwang din ang ika-100 na pagkakatatag ng Bayan ng Bustos, ang taon ng pagdiriwang na ito ay tinatawag na 'Bustos Sentenaryo'. Bukod sa Minasa Festival na ginanap ngayong araw, samu't-saring programa ang inilatag sa buong taon bilang bahagi ng Bustos Sentenaryo. Ang Minasa ang isa sa mga pangunahing tema ng selebrasyon. Ano ba ang Minasa? Ang minasa ay isang uri ng galyeta na may sangkap ng harina ng kasaba, gata, pula ng itlog, at mantikilya. Maihahambing ito sa uraro ng Pampanga at puto seko ngunit may taglay din itong kakaibang lasa na wala sa ibang galyeta. Natatangi ang minasa dahil sa iba-t iba nitong ukit. Ang pagkain na ito ay may taguring "meryenda ng mayayaman kahapon". Ayon sa kuwento, noong panahon ng mga Kastila, tanging mga mayayaman lamang ang nakakakain ng minasa. Isang "status symbol" na maituturing sapagkat ang mga kagamitan sa pagyari ng minasa ay ispesyal. Sa isang kahoy nakaukit ang mga disenyo na kung saan hinuhulma ang lulutuing galyeta. Sa kasalukuyan, nanatili ang minasa bilang isa sa mga kalutong yaman ng Bustos. Kung dati ay sa hapag lamang ng mga mayayaman ito inihahanda, ngayon ay mabibili na ito sa maraming tindahan sa bayan. Sikat ang minasa sapagkat ito ay inaangkat pa sa iba't ibang lalawigan sa Pilipinas. Ayon din pahayag na mababasa sa mga diyaryo, maraming OFWs na lulan ng Bustos ay bultuhang bumibili ng minasa kapag sila ay babalik na sa bansang kanilang pinagtatrabahuhan. Sa kasikatan ng produktong minasa, naging posibilidad ang magkaroon ng kapistahan para dito. Naganap ang Indakan sa Kalye noong ika-8 ng umaga. Kabilang sa mga kalahok ang mga mag-aaral sa elementarya at hayskul sa Bustos. Pagkatapos ng indakan at tutuloy sa BMA Park na kung saan gaganapin naman ang tagisan ng galing sa pag-sayaw. Mula Bulacan State University-Bustos Campus, umindak ang mga kabataan patungo sa BMA Park. Sa pagkakataon pa lamang na ito, nagpamalas na ng husay ang mga mananayaw na siyang ikinaaliw ng mga manunuod. Nang makarating sa BMA Park, nagkaroon ng isang maikling programa na nagsilbing panimula sa gaganaping patimpalak. Labindalawang paaralan sa elementarya at walong paaralan sa hayskul ang magtutunggali upang makamtan ang pinakamahusay na grupo sa pagsayaw. Natatangi ang magiging parangal dahil ang paaralan ay hihirangin na nagwagi sa ika-100 anibersaryo ng Bustos. Nauna ang mga kalahok sa elementarya. Isa sa mga katangian nang naganap na indakan ay ang sayaw-salaysay na kung saan dito ikinukuwento ang kasaysayan nang pagkakatatag ng Bustos at ang mga mahahalagang tagpo sa kasaysayan nito. Kabilang na rito ang ginampanang papel ng bayan noong panahon ng mga Kastila at Hapon. Nagsilbi ang Bustos bilang isang military area. Libo-libong Pilipino ang nakidigma laban sa mga Hapon sa nasabing bayan upang makamit ang hinahangad na kasarinlan. Bukod naman sa kasaysayan, itinatampok din sa pagsayaw ang mga iba't-ibang industriya, yamang-bayan at mga pamana sa Bustos. Kabilang na rito ang industriya ng agrikultura, pangingisda, paggawa ng bag, at siyempre ang pag-gawa ng minasa. Ang bayan ng Bustos ay patungo sa patuloy na pag-unlad mapa industriya man at pangkultura. Kung dati'y isang simpleng pamayanan lamang, ngayon ay isang bayan na patuloy sa pag-asenso. Sa patuloy na pag-unlad ng mga industriya, pagkilala sa mga pamanang yaman at paglago ng turismo, hindi kataka-taka na darating ang panahon na ang bayan ng Bustos ay magiging kahanay rin ng mga mauunlad na bayan sa Bulacan. Asenso Mamamayan ng Bustos! Huling tala: Nais kong pasalamatan ang lokal na pamahalaan partikular kay G. Albert Santos at sa kaibigan ko na si G. Mark Pingol. Ang inyong pagtulong ang siyang naging kasangkapan upang maging posibilidad ang artikulo na ito.
Leave a Reply. |
kenyoTravelAng "kenyo" ay salitang hango sa Bulakenyo. Layunin ko na mas makilala ang aking lalawigan. Categories
All
Archives
September 2018
|