Ang Labanan sa Kakarong de Sili ay isang makasaysayang pook na matatagpuan sa Real de Kakarong sa sa bayan ng Pandi. Sinasabi na ang pook na ito ay isa sa mga naunang naitatag ng rebolusyonaryong republikang Pilipino. Sa pook rin na ito naganap ang isa sa mga pinakamadugong labanan noong panahon ng mga Kastila.
Narating na rin sa wakas ang makasaysayang pook, agad kong napansin ang bantayog ng Inang Filipina. Napapaligiran ng punong kahoy ang pook at kapansin-pansin ang pader na bantayog na isinasalarawan ang madugong labanan na naganap sa lugar na aking kinatatayuan. Batid ko ang halaga ng pangyayari sa pook na ito. Ayon sa nakasaad sa pananda, taong 1896 nang maitatag ni Heneral Eusebio Roque, Canuto Villanueva, at Casimiro Galvez ang Balangay "Dimasalang". Saklaw pa ng bayang Bigaa ang Kakarong bago pa ito naging bayan ng Pandi. Sa lugar na ito nagtipon ang humigit kumulang na 6,000 na Katipunerong Bulakenyo. at ito ay nilusob ng mga Kastila sa ilalim ng pamumuno ni Heneral Claquer-Feliu. Ang nasabing paglusob ay naganap noong Enero 1897 at mahigit kumulang 1,200 na Katipunero ang nasawi sa naganap na labanan. Sabado nang ako ay magpunta rito at mangilan-ngilan lamang ang bisita. Matahimik ang paligid at rinig ang alingawngaw ng mga kulisap lulan ng mainit na panahon. Pinagmasdan ko ang paligid. Pinagnilayan ang napakahalagang pangyayari sa pook na ito. Ang labanan sa Kakarong ang isa sa mga naging pinakamadugo at mabigat na tagpo sa lalawigan ng Bulacan noon panahon ng mga Kastila. Isa itong tanda ng kaliwanagan ng ating mga bayani na kailangan nang magsagawa ng kilusan upang makamit ang hinahangad na kasarinlan. Aking napagtanto na napakahalagang kontribusyon ng bayan ng Pandi sa pagtataguyod ng kalayaan ng Pilipinas. Ako ay nagpatuloy sa pagmamasid at napansin na ang makasaysayang pook na ito ay matagal na ring hindi sumasailalim pagkukumpuni. Ang ilang mga pasilidad ay hindi na gumagana. Ngunit sa kabila nito, napapanatili pa rin ang kalinisan ng lugar at magandang gawing isa sa mga pasyalan para sa mga mag-aaral kapag may field trip. Aking nilisan ang lugar makailang-sandali dahil mahirap ang sakayan pauwi.
Leave a Reply. |
kenyoTravelAng "kenyo" ay salitang hango sa Bulakenyo. Layunin ko na mas makilala ang aking lalawigan. Categories
All
Archives
September 2018
|