Ang Sitio Palanas ay isa sa mga maraming Sitio sa Barangay Kalawakan sa bayan ng Doña Remedios Trinidad. Ang sitio na ito ay bahagi ng ancestral domain ng mga Dumagat. Ayon sa mga nakasalamuha ko dito, Kung noon ito ay isang liblib na lugar, unti-unti nang napapaunlad ang sitio na ito. Iyon din ang aking nasaksihan noong ako ay bumisita sa lugar na ito.
Natunton na namin ang Sitio Palanas. Naipaliwanag sa amin ni Ka-Tamang na ang lugar na ito ay nasa ilalim nang pagsasa-unlad. Ang pagsasaunlad na ito ay naging posibilidad sa tulong ng pamunuan ng Iglesia ni Cristo upang magbigay tulong sa mga kapatid na Dumagat. Ang mga kapatid na Dumagat ang pinakamakikinabang sa malaking proyekto na ito. Bukod sa pabahay, ang mga lupa na ginagawang sakahan ay makakapagbigay ng trabaho sa mga kapatid na Dumagat. May mga plano rin na paunlarin ang lugar bilang isang destinasyon na pang-turismo. Saklaw ng lupang pinapaunlad ay ang mga ilog, bukal, talon, at bundok na may malaking oportunidad upang mga isang destinasyong pang-turismo. Isa sa mga pang turismong gawain na pinaplanong ilunsad ay ang pamumundok. May mga plano pa na magdagdag ng mga aktibidad para sa mga turista, na siyang isisiwalat sa hinaharap.
Inumpisahan na naming lakarin ang daanang patungo sa tuktok. Sa mga unang yugto, may trail pa sapagkay ito ang daanan patungo sa helipad, isang espasyo ng lupa na binababaan ng helicopter. Kalimitan ay grassland o kogonan ang uri ng lupang aming tinutunton. Malapit sa tuktok ay ang gubat na kailangan naming daanan. Ang gubat ay puno ng yantok at iba pang mga halaman na matitinik. Kung ang kasuotan ay hindi matatakpan ang mga braso at binti, tiyak na may makakamtan na mga galos buhat ng mga kalmot galing sa tinik. Dahil wala pang trail ang aming tinatahak, may mga tagon kailangan naming hawiin ang mga malalaking dahon na puno ng tinik at baliin ang mga maliit na sanga upang may madaanan kami. Kinailangan din namin akyatin ang napakatarik na bato. Kung sakaling magkamali sa pag-apak, paniguradong bangin ang kababagsakan. Kaya ibayong pag-iingat ang kailangan.
Sa pagbaba naming sa Tuktok ng Palanas, maganda rin ang tanawin dahil sa mga burol na nakapaligid. Ang mga magagandang tanawin at ang masayang aktibidad na pag-akyat ng bundok ay amgsisilbing isa sa mga dahilan kung bakit dadayuhin ang lugar kung ito ay ibubukas na para sa publiko.
Ang Sitio Palanas ay matatagpuan sa Brgy. Kalawakan sa Doña Remedios Trinidad. Sa mga interesadong mapuntahan ang sitio, maakipag-ugnayan lamang sa pamunuang barangay ng Kalawakan at sa Sitio Palanas upang magabayan ng mabuti ang mga gustong bumisita. Huling tala: Nais kong pasalamatan sina Kuya Eduard, Paolo, Ka-Tamang, Ka-Eugene, ang pamunuan at ang mga katutubong Dumagat sa Sitio Pintong Duhat at Sitio Palanas.
|
kenyoTravelAng "kenyo" ay salitang hango sa Bulakenyo. Layunin ko na mas makilala ang aking lalawigan. Categories
All
Archives
September 2018
|