Maulan ang araw na iyon; ngunit ako ay nangahas na magpunta sa San Miguel, Bulacan upang magbakasaling makaakyat ng bundok. Umalis ako sa Meycauayan nang maaga. Madilim ang kalangitan at nagbabadya ng masamang panahon, ngunit tinangka ko pa rin na magpunta sa San Miguel sa kadahilanang gusto kong masulit ang araw na ito. Ayon sa balita, ang hanging Habagat ang siyang nagpapaulan sa kalakhang isla ng Luzon. Mahigit kumulang dalawang oras ang aking biyahe mula Meycauayan hanggang San Miguel. Pagkababa ko ng bus sa may Camias, makulimlim ang langit na siyang nagsisilbing palatandaan sa siguradong pag-ulan. Sa may hintuan ng bus ako sinalubong ng aking kaibigan na si Rolan na tubong Nueva Ecija.
Sa paglalakad patungo sa registration site. Nakasalubong ko si Kuya Angelo, siya ang aking guide nung ako ay unang beses na mabisita sa Sitio Madlum. Dahil sa maulan na panahon, iminungkahi niya na kami ay umakyat ng ibang bundok upang hindi na kalanganing tumawid ng ilog. Bundok Matinik, ang pangalan ng bundok na siya naming aakyatin. Ipinaubaya niya muna kami kay Kuya Eduard upang kami ay libutin sa kaparangan at mananghalian sa kanyang kamag-anak bago kami mag-umpisang umakyat. Kami ay tumulay sa pilapil, pumaroo't parito sa mga masusukal na damuhan at maisan, sinuong ang maputik na daan at nilakad ang gilid ng ilog. Habang kami ay naglalakad sa may sapa, biglang natigil si Kuya Edward at sinabi na kami ay huwag gumawa ng kahit anung ingay. Dun itinuro ni Kuya Eduard ang ilang Philippine wild ducks na lumalangoy sa sapa. Kulay kayumanggi ang mga ito na may batik na itim. Sila ay sensitibo sa ingay na ginagawa ng mga tao. Pumapalakpak si Kuya Eduard at biglang nagliparan ang mga ito. Sa kaunting uhaw na aking naramdaman, ako ay napainom ng tubig sa unang bukal na aking nakita. "Lasang mansanas ang tubig", ani ni Rolan. "Mansanas?", patawang tanong ni Kuya Eduard. Kami ay nagpatuloy sa paglalakad hanggang maabot namin ang bahay ng kamag-anak ni Kuya Eduard na si Manong Jun. Nagsisibak ng kahoy si Manong Jun nang kami ay makarating sa kanilang lugar. Kami ay pinagpahinga muna habang inaantay ang sinaing. Naikuwento ni Manong Jun kung paano siya nakapatay ng isang malaking sawa, na siyang kumakain sa kanyang mga alagang manok at sisiw. Nabanggit din niya na ang karne ng sawa ay ginawa niyang ulam sa ilang araw at ibinahagi ito sa kanyang mga kapitbahay. "Ano po ba ang lasa ng karne ng sawa? At paano ninyo siya niluto?", tanong ko sa kanya "Masarap parang lasang manok, pero mas malansa ang sawa kaya kadalasan ang luto ay adobo", sagot niya, "ang karne ng sawa ay mas malinis, kasi ang kinakain niya mga buhay. Hindi katulad ng bayawak, ang kinakain ay patay". Ipinakita sa akin ni Manong Jun ang bote ng langis na galing sa sawa. Kaamoy ng langis ang chicharon. Ginagamit ito ni Manong Jun bilang pamahid sa may rayuma at kung ano mang sakit ng katawan. Pinakain kami ni Manong Jun sa kanyang tahanan. Pinaghain kanin at ang ulam, noodles na may hinalong puso ng saging. Nakailang balik din ako ng kanin, marahil buhat ng kaunting pagod sa paglalakad. Lubusan ang aking pasasalamat sa mga taong katulad ni Manong Jun, sa kanila mo mararamdaman ang tunay na pagkamagandang-loob ng mga Pilipino. Maya't maya, dumating ang nakababatang kapatid ni Kuya Eduard na si Kuya Manuel. Si Kuya Manuel ay isa rin sa mga sasama sa pag-akyat. Matapos naming mananghalian, sumakay kami ng tricycle upang madaling makatungo sa lugar na kung saan kami ay kikitain ni Kuya Angelo. Nasalubong namin siya sa matapos ang sampung minuto nang pagmamaneho.
Sa aking pakikisalamuha kay nila Kuya Angelo, Eduard at Manuel. Lubos akong napahanga sa taglay nilang kaalaman. Sa malayo kaya nilang pangalanan ang iba't bang puno at halaman. Alam nila ang mga punong kailangang itanim sa naturang lugar, kabisado nila ang mga daanan sa kalawakan ng kabundukan, pangalanan ang mga ibon at bulaklak na naninirahan sa kabundukan.
annjoecamarao
9/19/2015 11:05:39 pm
Ganda sana makarating din ako doon
Reply
Leave a Reply. |
kenyoTravelAng "kenyo" ay salitang hango sa Bulakenyo. Layunin ko na mas makilala ang aking lalawigan. Categories
All
Archives
September 2018
|