Ang pag-gawa ng Singkaban ay isa sa mga natatanging sining ng Bulacan. Ang Singkaban ay ang arko na yari sa kawayan. May dalawang uri nito, ang Hagonoy na Singkaban at ang Malolos na Singkaban. Sa artikulo na ito, aking nasaksihan ang sining ng pag-gawa ng Singkabang Malolos. Ako ay naanyayahan ng kaibigan kong si Juan Cristobal na magtungo sa lungsod ng Malolos upang makita nang personal ang pagyari sa singkaban. Hapon nang kami ay magkita at dumeretso sa Brgy. Santisima Trinidad. Hapon nang kami ay magkita, nabanggit sa akin ni JC na may idaraos na pistang baryo sa barangay, ang dahilan kung bakit may pag-gawa ng singkaban. Ang barangay ng Santisima Trinidad ay orihinal na kasapi ng barangay Barihan. Ayon sa matatanda ang barrio Barihan ay pinanggalingan ng nayon ng Pinagbakahan, at Santisima Trinidad. Sinasabing taong 1680 naitatag ang barrio ng Barihan. Habang ang barrio Pinagbakahan ay naitatag nang taong 1762, pangalang nangangahulugang "pinaglabanan" dahil doon naganap ang sagupaan ng Ingles at Kastila sa bahagi ng Malolos habang patungo ang mga Ingles sa Quingua. Noong May 4,1863 naman ay nahiwalay sa Pinagbakahan ang barrio Santisima Trinidad, pangalan ng barrio na buhat sa milagrosong imahen ng "tatlong persona" na nahukay sa lugar kung saan nakatayo ng matandang bisita (Cristobal, 2016). Ang mga Barrio ng Santisima Trinidad, Barrio Barihan at Barrio Pinagbakahan ay mga magkakahiwalay na baranggay sa larangan ng pulitika,ngunit nanatiling iisa sa larangan ng pananampalayata sapagkat ang tatlong nayon ay may iisa lamang bisita na nagtulong-tulungang itayo ng mga mamamayan ng tatlong nayon (Ibid.).
Isa sa mga napansin na karamihan sa mga gumagawa ng singkaban ay matanda na. Naibanggit sa akin ni JC na kagustuhan ng mga katandaan na turuan ang mga kabataan upang sila ang magmana ng tradisyon; ngunit nahihirapan sila na ipasa ito sapagkat ang karamihan sa kabataan ay may iba nang prayoridad sa buhay. Kung dati, mas marami pa ang gumagawa ng singkaban at humahalili upang maipasa ang tradisyon. Ngayon ay kaunti na lamang. Isa sa mga kamangha-manghang katangian ng singkaban na ito ay ang pagpapanatili nang naturan nitong disenyo sa haba ng panahon. Bukod pa rito, hindi bayad ng salapi ang mga artisan. Sila ay nagtatrabaho na sumasangguni sa tradisyon na “palusong” na kung saan sila ay lilikha ng singkaban na libre ngunit may pakain at pameryenda para sa kanila. Dito nababakas ang isa sa mga magagandang katangian ng mga Pilipino na tinatawag na “Bayanihan”. Isa itong uri ng kaganapan na nagpapakita ng pagkakaisa sa mga taong-bayan. Sa panahon na kung saan ang bawat pabor ay dapat may kapalit, mayroon pang mga tradisyon na kung saan busilak ang pagtulong at ang kaisipan sa pagpapanatili ng sining at tradisyon.
*Nais kong pasalamatan sina
-Juan Cristobal, -ang mga Hermana Mayor sa darating na Pistang Baryo, -Tay’ Pedring Dayao at ang mga artisano ng Singkabang Malolos; -Lolo Eusebio Valerio, Pangulo ng Samahang Katandaan ng Bisita ng Santisima Trinidad; -Lola Carmen Valerio ("Nana Mameng"),punong-abala ng Samahang Kababaihan, at mga kasapi nito, -at ang lahat ng mga taong aking nakasalamuha sa araw na iyon. Ang kanilang mga naibahaging kaisipan at kuro-kuro ang siyang dahilan kung bakit naging posibilidad ang pagsulat ng artikulo na ito. Leave a Reply. |
kenyoTravelAng "kenyo" ay salitang hango sa Bulakenyo. Layunin ko na mas makilala ang aking lalawigan. Categories
All
Archives
September 2018
|