Ang Ilusorio Mansion o mas kilala bilang Bahay na Pula ay matatagpuan sa Brgy. Anyatam, San Ildefonso. Ito ay madalas ipakita sa telebisyon sa tuwing sasapit ang panahon ng Undas dahil sa mga kababalaghang kuwento na tigib sa mansiyong ito. Ngunit maliban sa mga kababalaghang kuwento, may mabigat na kasaysayan itong taglay.
May reputasyon ang mansiyon na ito bilang isang "haunted house". Madalas itong maitampok sa mga horror na pelikula at palabas, ang dahilan kung bakit mas naging tanyag ang mansiyon at dinarayo ng mga turista upang makapagpakuha ng larawan at ang posibilidad na mapasok ang loob ng mansiyon. Ngunit maliban sa kaakibat nitong tatak bilang isang haunted house, may mabigat at malagim itong kasaysayan. Noong sinakop ng mga Hapon ang bansang Pilipinas, nagsilbi ang Bahay na Pula bilang isang garison. Dito sa mansiyon na ito ikinulong ang mga nabihag na kababaihan at pinagsamantalahan ng mga sundalong Hapon. Ang mga edad ng mga naging biktima ay lumalagay sa 13 pataas. Bukod sa pananamantalang ginawa ng mga sundalo, labis ang ginawang pagpapahirap nito sa mga biktima. Ilan sa kanila ay dinala pa sa bayan ng San Miguel at inilagak sa "comfort station" sa loob ng ilang buwan. Sadyang naging malagim ang mga kaganapan noong mga panahong iyon. Masasabi na ang mansiyon na ito ay hindi minumulto ng mga ligaw na kaluluwa kundi ang ang Bahay na Pula ay minumulto ng mga mallagim na alaala na nakahimlay sa bawat sulok ng mansiyon na ito.
Ang pinakahuling balita ukol sa mansiyon na ito ay naibenta na ang lupain at ang mansiyon ay ililipat sa Las Casas Fillipinas de Azucar sa bayan ng Bagac, Bataan at tatawagin bilang Casa Ildefonso. Isang maluwag na paghinga dahil maisasalba pa ang mismong istruktura ngunit may matinding kalungkutan naman dahil ang mismong espasyo na kung saan nagkaroon ng mga pangyayari ay tatanggalan na ng mga haligi na bumubuo sa Bahay na Pula. Para sa akin, ang espasyo ang mas mahalaga pagdating sa mga makasaysayang kaganapan sa isang lugar, ang mga haligi na siyang bumubuo sa espasyo ang nagsisilbing katibayan o isang "legitimizing factor" upang mas lalong mapalakas nito ang katibayan na sa lugar na ito, may nangyaring kaganapan. Kung ililipat man ang mansiyon sa ibang lugar, ano na ang halaga na papaloob sa magiging espasyo ng mansiyon na ito kung ang orihinal na espasyo (sa San Ildefonso), ay doon mismo naganap ang nagpahalaga at nagpatanyag sa Ilusorio Mansion o Bahay na Pula? Sa aking paglisan sa Anyatam, nasabi ko sa aking sarili, huli na ba talaga ang lahat upang maisalba ang Bahay na Pula at panatilihin ito sa lugar na kanyang kinatatayuan? Ano kaya ang magiging hinaharap ng mismong espasyo na kasalukuyang tinatayuan ng mga haligi ng Ilusorio Mansion?
Panahon na lamang ang makakapagsabi. Leave a Reply. |
kenyoTravelAng "kenyo" ay salitang hango sa Bulakenyo. Layunin ko na mas makilala ang aking lalawigan. Categories
All
Archives
September 2018
|